Puntod ng mga Alaala

Jemma Vasquiña
3 min readMar 20, 2022

--

Pero mas may malungkot sa sementeryong ‘to at ‘yon ay ang puso mo. Ramdam ko, ramdam ko kahit maraming taon na ang lumipas.

“Habang mas lumuluma ang mga ala-ala, mas tumatagos sa pusong balikan,” sabi mo.

Minasdan lang kita habang hawak ang larawan n’ya, kinakabisado ko ang ngiti mong bihira ko lang makita; at ‘yon ay kapag dumadalaw tayo sa kanya dito. Ginuhit ko sa utak ko, paulit-ulit, dahil kailangan ko magbaon ng marami bago tayo umalis dito.

Dumaan ang mahabang sandali na tunog lang ng bumubuhos na ulan ang naririnig nating dalawa. Pero mas may malungkot sa sementeryong ‘to at ‘yon ay ang puso mo. Ramdam ko, ramdam ko kahit maraming taon na ang lumipas.

“Tara na, tumila na yong ulan.” sabi mo. Dahan-dahan mong nilapag ang larawan, buong pag-iingat na baka malaglag sa semento. Na para bang sinasabi mo na kahit man lang ang sa gano’ng paraan, nagawa mo s’yang ingatan.
Tumayo ka na at nagsimulang maglakad palayo.

Dumako ang mga mata ko sa puntod nya na iniwanan mo. Kinuha ko ang larawan n’ya. Tinitigan ko ang ngiti n’ya, ang hulma ng mukha, ang kislap ng mga mata.. ang mukha ng katangi-tanging tao na kayang magpangiti sa’yo na para bang nasagot mo na ang lahat ng misteryo ng mundo mo.

Pinakawalan ko ang kanina pang tumatakas na hikbi sa loob ko. Lumabo ang pagtingin ko sa larawan habang binabalik ko ito sa dating pwesto.

“…tumila na yong ulan.” ulit ng boses mo sa utak ko. Tiningala ko ang langit, maaliwalas na ito ngayon.

Nakakainggit.

“Hindi ka ba nangangawit?” tanong niya nang mapansing hindi na ako bumitaw sa pagkatitig sa langit mula pa kanina.

“Hinihintay ko ang paglatag ng mga bituin,” sagot ko sa mahinang tinig. Nangangamba na baka mapansin nya ang pangangatal.

Hindi na siya nagsalita pa, marahil naghihintay sa ikalawang “Oo, sige payag na ako”

Ngunit di tulad noon, wala na ang kislap sa mga mata, tanging pagkainip na lamang ang mababakas.

Walang saysay ang pangangalay ng aking batok. Nag-uunahan pa ring tumulo ang luha na kanina ko pa pinipigilan.

Sayang.

Naunahan nitong mahulog ang mga bituin sa kalangitan.

Oo, maaaring isisi sa akin ng mundo ang maraming bagay, pero hindi ko kailanman matatanggap ang sabihin n’yang sumuko ako nang gano’n gano’n lang. Na pinalaya ko s’ya nang hindi ko inubos ang lahat ng rason ko para sumubok.

Dahil kung totoo ‘yon, wala sana akong sugat mula sa paghahanap ko ng sagot sa kasukalan ng mga buntong-hininga n’ya. Hindi sana pagod ang mga baga ko ngayon mula sa pagsisid ng mga malungkot na tanaw n’ya sa malayo. Kung totoo ‘yon, hanggang ngayon sana ay nililipad ko ang himpapawid ng pagkatao n’ya, nagbabakasakali na matagpuan ko ang nawawala n’yang mga ngiti.

Wala silang alam sa kung paanong kapag nasasaktan ka, sinisigawan ko ang mga bituin. Bakit hindi sila kumislap para pumabor sa’yo ang tadhana?
Pag ‘di mo maintindihan ang lahat, nagagalit ako sa mga ulap, sa araw, sa buwan. Bakit kulang ang liwanag nila para sa’yo?

Ni hindi ko pa rin masagot kung ano nga bang hiwaga ang mayroon ka, bakit at paano mo ako naturuan magalit sa kalawakan?

Ang dami kong hinintay; saya, tawa, pag-asa.. na sa dulo ay nasabi kong kaya kong tanggapin kahit pa galit o luha ng pagkabigo. Pero walang dumating, kundi blangkong mga tingin. Katahimikan. At ang minsang pagsasabi n’ya sa akin ng bulong na “Gusto kong maging masaya ka.”

“Pero ikaw, sabihin mo naman sa’kin kung paano ka?”

Hindi ko kailanman natibag ang nakaharang sa aming dalawa. Siguro, hindi na rin n’ya alam kung paano ito aalisin para makapasok ako.

Marahil ay tama ang banta sa akin ng mga tala noon, na nang nakawin ng kalawakan ang taong pinakamamahal n’ya bago ko pa s’ya nakilala, ay kasamang dinala ng hangin ang puso at kaluluwa n’ya.

May mantsa ng kanyang alaala sa puso mo na kailanma’y hindi ko mabubura.

Sinulat nang mabilisan sa naligaw na papel gamit ang nanginginig na kamay habang namamatay ang paligid. Alay sa kaibigang namayapa at mga retaso ng alaala na iniwan nya.

3.20.22

--

--

No responses yet