Komposisyon ng mga basag na panata

Jemma Vasquiña
3 min readApr 1, 2021

--

“Pinag aaway-away natin ang mga taon na nakalipas para humirang ng pinakamalungkot, at laging nananalo ang kasalukuyan”

May hugis ba ang lungkot? kung sabagay, kwadrado ang dingding na namamagitan sa ating dalawa. Pero anong hugis ba ang nahuhulma ng ating palad sa panahong yakap natin ang ating sarili, mag-isang namamaluktot sa higaan, pilit na ikinukuyom ang lahat ng hindi pa maaaring sambitin?

Pinagaaway-away natin ang mga taon na nakalipas para humirang ng pinakamalungkot, at laging nananalo ang kasalukuyan. Minsan, hindi na rin tayo sigurado sa sukatan ng dalamhati, at kung ano ba ang mas matimbang, at kung gaano makapangyarihan ang oras dahil nagagawa nitong linlangin tayo gamit ang sarili nating damdamin.

Duwag ba ang mga dahon na hindi nilalamon ng taglamig? Magaling silang tumakas mula sa mga sanga nang hindi dumaranas ng kahihiyan ng pagkalanta.

Minamanhid tayo ng kawalan ng init, at sinusunog ng kawalan ng pananahimik.

Wala nang kwenta ang mga kandado.

Tinapon ko na lahat; yong nabili natin nong unang araw nating magsama sa bahay na ‘to, yong binili natin para protektahan ang kahon ng mga sulat natin sa isa’t isa, yong kinakalawang na para sa gate, yong pansara ng kulungan ng aso natin na pinamigay ko na

Kahapon, pinuntahan ako ng mga taga-barangay. Tinatanong nila ako kung bakit hindi ko na sinasara ang mga pinto, ang harang ng bakuran natin. Baka raw ako manakawan. Baka raw ako mapatay ng halang ang kaluluwa.

Sabi ko, ipagkalat nila na malaya ang lahat na nakawan ako
Aanhin ko ang mga tasa sa kusina, kung wala na ang timpla mo na gumigising sa’kin sa umaga?
Kunin na nila ang telebisyon, ang mga silya, ang mga sapin ng kama, lahat samsamin na nila
Umalis silang nag-iwan ng mga tingin na puno ng awa

Malas nila, hindi na kayang magproseso ng utak ko
abala lang itong gumana para dumilat ang mga mata ko sa umaga
para maghapon na maghintay sa tapat ng pinto
nagbabakasakali na sa wakas, naaalala mo na ang numero
ang pangalan ng kalye, ng siyudad..pati pangalan ko
hindi ko na rin alam kung sino sa ating dalawa ang mali;
ako ba na hintay nang hintay? O ikaw na ayaw umuwi?

At sa gabi,
ang kaya nalang gawin ng utak ko
ay utusan ang mga kamay kong punasan ang mga luha
dahil isang araw na naman akong nabigo
susubukan payapain ang dibdib kong
tila dinadaganan ng sako-sakong dahilan
upang tigilan na ang paghihintay ang pag-asam sa tapat ng pintuan

Saka ako matutulog na ang mga kandado, nandoon pa rin sa basurahan,
nakaawang ang tarangkahan, bukas lahat ng pintuan
kulang nalang ay makiusap ako sa mga kriminal
na pumasok at ubusin na lahat ng bagay na magpapaalala sa’kin sayo

Wala nang kwenta ang mga kandado
dahil nawalan na ako ng kakayahan na manghinayang

simula nang nakawin ka sa’kin ng mundo

“Sinulat nang mabilisan sa naligaw na papel gamit ang nanginginig na kamay habang namamatay ang paligid”
11/6
Jemma Vasquiña

--

--

No responses yet